Wednesday, September 10, 2014

Ang Wika ng Ating Imahinasyon

ANG WIKA NG ATING IMAHINASYON
(Panayam para sa KASUGUFIL, 23 Agosto 2014)
ni Virgilio S. Almario

MAY KAESKUWELA AKO na nananaginip daw sa Ingles. Naku, sabi ko, sana hindi ako lumilitaw sa panaginip mo. Kasi baluktot ang Ingles ko. Tumawa lámang siya at hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng tawa niya. Palagay ko, lumilitaw nga ako sa panaginip niya at eksampol ako ng baluktot na Ingles sa kaniyang mundo.

Ilan kayâ sa inyo ang tulad ng kaeskuwela kong nananaginip sa Ingles?

May mga sikolohista na nagsasabing imahen ang panaginip ng ating tákot at balísa. May nagsasabing larawan ito ng ating malalim na lunggati. Alinman ang tama, masisira ang sikolohiya kung guro ka sa wikang Filipino pero nananaginip sa wikang Ingles. Ang natitiyak ko, kung guro ka sa Filipino pero nananaginip sa Ingles, hindi ka makatutulong sa ating paksa—ang intelektuwalisasyon/ modernisasyon/elaborasyon ng ating Wikang Pambansa.

Bago ako magpatuloy, dapat linawin na maliban kay Charles A. Ferguson (1968), sa mga linggwistaserong Filipino ko lámang unang naengkuwentro ang terminong “intelektuwalisasyon,” lalo na sa sinulat nina Andrew Gonzalez at Bonifacio Sibayan. Ano ba ang ibig sabihin nitó? Ang sabi ng mga eksperto sa pagpaplanong pangwika (language planning), ito ang pagpapaunlad sa wika upang magkaroon ng salita o terminolohiya para sa lahat ng disiplina ng karunungan, kasáma na ang mga agham at ang iba’t ibang antas ng kultura, pati ang tinatawag na kulturang popular. Nayabangan ako sa pangalang “intelektuwalisasyon.” Para bang wala kailanmang katangiang intelektuwal ang ating wika. Kayâ higit na ninais kong gamitin ang “modernisasyon,” na ginamit din ni C.A. Ferguson. Ngunit para namang pagsunod lang ito sa uso, sa usong hatid ng Amerikanisasyon ng ating edukasyon.

Sa panukalang modelo ni Einar Haugen (1966) ng pagpaplanong pangwika, inilista niyang mga hakbang sa pagpaplano ang sumusunod: (1) seleksiyon ng pamantayan, (2) kodipikasyon ng pamantayan, (3) implementasyon, at (4) elaborasyon. Sinabi rin niyang ang unang dalawang hakbang ay bahagi ng paglalatag sa patakarang pangwika. Maaari nating sabihing nagdaan na ang ating Wikang Pambansa sa yugtong ito mula noong 1937 na ipahayag ni Pangulong Quezon ang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa hanggang nitóng iproklama sa 1987 Konstitusyon na Filipino ang Wikang Pambansa. Nása ikatlong hakbang na táyo, sa implementasyon. Bagaman nais kong sabihin na marami pang problema sa kodipikasyon dahil sa hindi pa ganap na umiiral ang estandardisasyon alinsunod sa Ortograpiyang Pambansa.

Nitóng dekada 70, inisip ng ating mga eksperto sa lingguwistika, sa pangunguna nina A. Gonzalez at B. Sibayan, na kailangan na natin ang ikaapat na hakbang. At tinawag niláng “intelektuwalisasyon” ang elaborasyon ni E. Haugen. Ang totoo, tinawag din ni E. Haugen na “kultibasyon” (cultivation) ang kaniyang ikatlo at ikapat na hakbang. Kung pagpaplanong pampatakaran (policy planning) ang una’t ikalawang hakbang, ang implementasyon at elaborasyon ay nauukol naman sa mga gawaing kultibasyon—ang paglinang sa wika upang ganap na magamit sa anumang larang ng búhay, lalo na sa mga dominyo ng kapangyarihan (batas, pamamahala, negosyo, industriya, teknolohiya, atbp).

Gusto kong higit na gamitin ngayon ang “kultibasyon.” Itatanong ninyo, bakit hindi “paglinang”? Higit na katutubo ang “paglinang” at hiram ang “kultibasyon.” Ngunit sinasakyan ko lámang din ang inyong hilig bílang edukado—ang inyong hilig manghiram upang ipakilála ang pagiging edukado. Kayâ kung mapapansin ninyo ay “imahinasyon” ang ginamit ko sa pamagat ng panayam kong ito. Hindi “haraya.” Bakâ kasi mag-usisa pa kayo kung ano ang “haraya” samantalang tatanggapin ninyo kahit hindi ganap na naiintindihan ang “imahinasyon.” Kayâ dapat ninyong pansinin na “seleksiyon” ang ginamit ko, sa halip na “pagpilì”; “kodipikasyon” sa halip na “pagsasaanyong pasulat”; “implementasyon” sa halip na “pagpapatupad”; at “elaborasyon” sa halip na “pagpapasalimuot” o “pagpapayabong.”

Ang isang wikang moderno at may mataas na antas ng kultura ay nangangailangan ng bokabularyo para sa lahat ng disiplina ng karunungan at lahat ng makabagong uri ng pamumuhay. Ito ang antas ngayon ng mga pandaigdigang wikang tulad ng Ingles, Espanyol, French, German, Russian, Japanese. May aklatan ang mga wikang ito na maaaring sangguniin ng sinumang nais matuto ng anumang makabagong disiplina at nais magbalik sa kasaysayan ng mundo. Maaaring hindi wikang pandaigdig ang Hebrew o Hungarian ngunit may antas din ito ng kultibasyon na tulad ng Ingles o German. Ang ibig kong sabihin, may karapatan ang alinmang wika, kahit wika ng isang maliit at maralitang bansa, na maging elaborado at makapagsarili bílang wika ng pinakamasalimuot na antas ng komunikasyon at edukasyon.

May kakayahan ba ang Filipino na maging wikang elaborado?

Oong-oo. Matagal nang nakahanda ang wikang Filipino para sa pinakamataas at pinakakomplikadong kultibasyon. Ang mga Filipino ang hindi nakahanda sa gawaing ito. Ang higit na malungkot, hindi rin nakahanda kahit ang mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng wikang Filipino.